


Nalalapit na naman ang halalan. Halos isang buwan na lang.
Kung tutuusin habang tumatagal ang pangangampanya ay nakakarinig na tayo ng mga buladas mula sa iba't-ibang kandidato na ang nais ay ating ibigay ang pagtitiwala sa kanila upang pamahalaan ang Bakoor.
Na kesyo sila ay may malasakit at direksyon umano sa panunungkulan, na kesyo subok na sila makalipas ang ilang taon ng serbisyo, na kesyo sila ay makapagbibigay ng pagbabago para sa ating mahal na bayan, at iba't iba pang pang-akit na pwede pang maisip.
Ngunit ang totoong pagsubok ay darating sa panahong ilang araw na lang ang nalalabi para sa pangangampanya ng mga kandidato, dahil dito ay magsisimula nang mag-isip ng masisinsinan tayong mga botante sa kung sinu-sino na talaga ang ating iboboto. Kung minsa'y mauuwi pa sa pagkaliyo dahil sa kakulangan ng kaalaman sa plataporma ng mga ito, baka mauwi na naman sa kung kelan nasa presinto na't lahat ay kung sinu-sino na lang ang ilalagay natin sa balota, isang bagay na maituturing ko na kasayangan lang ng boto dahil winawaldas natin ang pagkakataon para sa isang maayos na kinabukasan ng Bakoor.
Sa totoo lang, sa mga panahong ito ay nakalilito pang isipin. Ngunit habang patagal ng patagal ang pangangampanya at palapit ng palapit ang halalan ay hayaan ninyong ang Bacoor Insider ang makatulong upang punan ang inyong kaalaman ukol sa mga platapormang ipiprisinta ng mga kandidato at nang sa gayon ay makabuo kayo ng matatag na desisyon.
Hindi namin hahayaang magbulag-bulagan na lang tayong mga botante, lalo na sa mga panahong ito.
-- Ni Megumi Takami
Abril 9, 2007
No comments:
Post a Comment